Noong Abril 29, umuwi ako ng Calbayog City dahil sa pagpanaw ng aking ama.

Sa ilang gabing huntahan ko sa mga dumalaw sa burol, nakawawala ng antok ang usapang politika doon lalo pa’t nalalapit na ang barangay at SK elections.

Sa Brgy. Gadgaran, maglalaban bilang Punong Barangay ang isang Jadulco at isang Ramada na kapwa kamag-anak ko. Sa Brgy. San Policarpo naman kung saan naninirahan ang aking magulang, maglalaban ang incumbent na si Lydia Naparan at si Lina Facun Aquino.

Sa 157 barangay ng siyudad, nakatutok ang atensiyon ng marami sa labanan sa nasabing barangay na tinatawag din na Ipao dahil nakataya dito ang pangalan ni Mayor Ronaldo ‘Onald’ Aquino, asawa ni Lina. Balwarte ni Mayor Aquino ang Brgy. Trinidad o Sabang pero ang asawa niyang si Lina ay taga-Ipao.

Kahit mahigpit ang labanan sa barangay Gadgaran at Ipao, mapayapa naman ang pangangampanya ng mga kandidato. Mala­yong-malayo ito sa na­ging bansag sa Calbayog City bilang ‘Killbayog’ dahil sa kaliwa’t kanan na patayan noong 2015-2016.

Nakalulungkot na tawaging ‘Killbayog’ ang lugar kung saan ako isinilang. Hindi naman kasi ito katulad ng ilang lugar sa Minda­nao kung saan maraming itinuturing na ‘no man’s land’. Kung mapapasyal kasi kayo sa Calbayog City, isang 1st class city, marami ditong mga tourist attraction site.

Mayroon siyang airport, mga shopping mall at modernong pantalan na ipinagawa ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Pinahaba na rin ang runway ng airport at kasalukuyang ginagawa ang coastal road na mag-uugnay sa city proper at airport.

Ito ay proyekto ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, kapatid ni dating mayor at congressman Mel Senen Sarmiento ng Liberal Party (LP). Sinimulan ni Mel Senen ang development ng Calbayog City hanggang sa ipagpatuloy naman ito nina Mayor Aquino at Rep. Edgar Sarmiento.

Sana nga, magpatuloy na ang pag-unlad ng lugar at makalimutan na ang mapait na nakaraan ng lungsod.
***

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang P60 milyong ads ng Department of Tourism (DOT) sa programa ng magkapatid na Ben at Erwin Tulfo sa PTV 4. Wala raw kasing kaukulang dokumento ang DOT at ang Bitag Media Unlimited Inc. ng magkapatid na Tulfo.

Ngayong nakaladkad sa kontrobersya ang magkapatid na Tulfo, makaapekto naman kaya sa posibleng pagtakbo ni Erwin ang negatibong isyu laban sa kanya? Noong Abril lamang, pasok siya sa top 12 ng survey ng Pulse Asia ng pinapa­borang mananalo sa 2019 senatorial elections. Tinalo pa niya ang mga tulad ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, Bam Aquino at JV Ejercito.

Kung mawawala sa winning circle si Erwin, aba’y laking tuwa siguro ng tatlong nakabuntot sa kanya.