Fr. RichardBolaton, STL
Ipinagdiriwang ng Simbahan ngayong Linggo ang ‘Divine Mercy Sunday’ bilang nananatiling paanyaya sa tanan na harapin ang mga pagsubok at hamon ng buhay nang may lubos na pagtitiwala sa awa ng Maykapal. Ayon kay St. Faustina Kowalska paulit-ulit na hiniling ni Hesus na magkaroon ng “Feast of Mercy” ang Simbahan at natupad nga ito noong Jubilee Year 2000 nang iutos ni St. John Paul II na isama sa Kalendaryo-Liturhiko ang ‘Linggo ng Banal na Awa’.
Mababasa sa Diary of Saint Faustina ang kahilingan ng Panginoong Hesus sa sangkatauhan: “Tell the whole world about My inconceivable mercy. I desire that the Feast of Mercy be a refuge and a shelter for all souls, and especially the poor sinners. On that day the very depths of My tender mercy are open as I pour out a whole ocean of graces upon those souls who approach the fount of My mercy.”
Simula nang itanghal bilang Santa si Sor Faustina (pruweba para sa marami na ang debosyon na ipinagkatiwala sa kanya ay subok at maasahang paraan patungong langit) taon-taon nang ginugunita ng mundong Katoliko ang Pista ng Mabathalang Awa. Suportado ng Vatican ang nasabing debosyon sa pahintulot ng mga Papa sa nakaraan at kasalukuyang Siglo. Sa katunayan, giit ni Pope Francis, “kung walang awa, gugunaw ang mundo!”
Ani Francis na itinuturing din na ‘Apostol ng Awa’ katulad ng kanyang mga hinalinhan, makakamit lamang ang kapayapaan kung tatanggapin ng daigdig ang tagumpay ni HesuKristo sa masama. Paliwanag ng rockstar Pope, produkto ng dakilang awa ng Diyos ang pagpapatawad- “True peace comes from experiencing God’s mercy.” May malalim na kaugnayan daw ang kapatawaran at kapayapaan!
Dagdag ni Papa Francisco, ang Linggo ng Banal na Awa ay handog sa Simbahan ng Panginoong muling nabuhay. Paanyaya daw sa tanan ang araw na ito upang lubusang ilubog ang sarili sa dakilang habag ng Poon. Sa pamamagitan ng tiwala at pananampalataya dadaloy ang awa ng Diyos sa buong mundo. Kaya’t paanyaya sa tanan ngayong Pista ng Awa na panatilihing bukas ang puso kay HesuKristo.
Tatlong bagay ayon kay Lolo Kiko ang dapat nating bantayan upang makamit ang ‘gift of forgiveness and peace’ ng Panginoon ngayong Easter. Una, hindi daw tayo dapat magpadala sa ‘hiya’ bagkus hayaan natin maipadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa kongkretong paraan sa pamamagitan ng Kanyang makapangyarihang awa. ‘Wag daw tayo magpadala sa takot at magtago tulad ng mga Apostol sa mga araw nang mamatay sa Krus si Hesus.
Ikalawa, payo ng Santo Papa, upang mamalas ang bisa ng habag ng Panginoon, hindi tayo dapat sumuko sa paniwalang wala naman talagang nagbababago sa buhay natin bilang mga Kristiyano. “By the grace of the Sacrament of Reconciliation, every time we are forgiven, we are changed!” Mas malalim daw ang epekto ng kapatawaran ng Diyos sa ating inaasahan. Gusto ng diyablo, giit ng Papa na bumitiw tayo, gayunman, “God never gives up on forgiving us,” mariing giit niya.
Ikatlo, ang pang-wakas, huwag na huwag daw ani Pope na tayo mismo ang magsasara ng pinto sa Diyos. Dapat rin nating matutunang patawarin ang sarili at ilubog ang ating mga kahinaan at limitasyon sa dagat ng awa ng Diyos. “When we make our confession, something unheard of happens: we discover that the very sin that kept us apart from the Lord becomes the place where we encounter him!” napakagandang puna ni Francis.
Ngayong Linggo ng Banal na Awa, inaanyayahan tayong muli ng Panginoon na buong-tiwalang lumapit sa trono ng kanyang grasya upang tanggapin ang Kanyang habag, pagpapatawad at kapayapaan. Hinihimok tayo ni Hesus na ipakita nang may malalim na pananampalataya ang ating mga ‘sugat’ upang tayo’y Kanyang hilumin. Mahigpit na iniririkomenda sa lahat na tanggapin ang biyaya ngayong Pista ng may pasasalamat at hayaan ang sariling mapatawad at tumanggap ng kapayapaan ni Hesukristo.