TINATAYANG 100,000 na mag-aaral mula Luzon hanggang Mindanao ang mabibigyan ng bag at mga gamit pang-eskwela sa proyektong GUSTO KONG MAG-ARAL ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya-Operation Sagip katuwang ang iba pang mamamayang Pilipinong nagnanais tumulong sa mga estudyante ngayong pasukan.

Ayon kay ABS-CBN Lingkod Kapamilya-Operation Sagip director Jun Dungo, layunin ng proyekto ang matulungan ang mga mag-aaral sa elementarya sa buong Pilipinas, lalo na sa mga lugar na laganap ang kahirapan at madalas tamaan ng mga kalamidad.

Mahigit 1,300 batang estud­yante na ang nabigyan ng mga bagong gamit pang-eskwela sa Hermosa Elementary School at Orani North Elementary School sa Bataan.

Patuloy ang pamimigay ng mga bag sa Catanduanes, Pampanga, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Cagayan de Oro, Bukidnon, Compostela Valley, Nueva Ecija, Isabela, Nueva Vizcaya, Kalinga, Bulacan, Quirino, Ilocos Norte, Benguet, Aurora, Zambales, Batangas, Mindoro, Laguna, Quezon, Pangasinan, Iloilo, Antique, Capiz, Aklan, Bohol, Cebu, Samar, Leyte, Lanao del Norte at Zamboanga del Norte.

Isa na sa mga unang nabiyayaan ng GUSTO KONG MAG-ARAL project si Nadnad, na inspirasyon ang kanyang mga magulang na isang labandera at isang janitor sa kanyang pagsisikap mag-aral.

“Pangarap ko po na makatulong sa aking mga magulang,” aniya sa isang panayam sa TV Patrol.

Si RJ na nasa Grade 1 na sa Orani North Elementary School, nagre-recycle ng mga lumang notebook para magamit sa darating na pasukan.

Kuwento ng kanyang ina, hirap sila sa pang-gastos dahil limang buwan nang nagda-dialysis ang tatay ni RJ. Gayunpaman, desidido ang anak na maging doktor.