Linisin na ang kalsada — solon

Habang hindi pa naibibigay ang emergency power kay Pangulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang problema sa trapiko sa Metro Manila, pinayuhan ng isang House leader ang mga national at local officials na magsanib puwersa para linisin ang mga kalsada dahil tiyak na lalo pang bibigat ang problema ngayong Christmas season.

Ginawa ni House de­puty speaker Raneo Abu ng Batangas ang nasabing mungkahi dahil kung hihintayin umano ang emergency power ay hindi ito maihahabol sa Christmas rush na nagsisimula na.

“Our officials should be prepared for the Christmas rush by starting to clear some Metro Manila roads. We should make sure that we can handle the additional traffic flow,” ani Abu.

Sa pagdinig ng budget ng Department of Transportation (DOTr) kamakalawa sa Kamara, inamin ni Secretary Arthur Tugade na wala silang poder sa kalsada sa Metro Manila dahil kontrolado ito ng mga Local Government Units (LGUs) subalit kapag binigyan umano sila ng emergency power ay waswasin umano ng mga ito ang lahat ng kalsada para magamit bilang alternate route.

Subalit ayon kay Abu, kailangang mag-usap at magtulungan na ang national at local government para linisin ang mga kalsada sa Metro Manila bilang paghahanda sa Christmas rush na lalong magpapalala sa problema sa trapiko.