Binalandra ng San Beda College ang Arellano University 91-81 para magkaroon ng tsansa na pahabain sa 11 straight seasons ang pagiging top seed sa 92nd NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan kahapon.
Sumandal sa third quarter attack ang last year’s runner-up Red Lions para makahirit ng playoff sa No. 1 sa Martes.
Parehong 14-4 ang San Beda at Arellano matapos ang 18-game elimination round, puwestuhan na lang ang pagtatalunan dahil bitbit na nila ang twice-to-beat edge sa Final Four.
Kumana si Jayvee Mocon ng 19 points at 15 rebounds, nagtala sina Fil-Am Davon Potts at AC Soberano ng 18 at 15 markers para sa Lions na bawas ang pangil.
Hindi na nakakalaro sa San Beda ang pambato nilang sentro na si Donald Tankoua na nagkaroon ng injury sa tuhod.
Tradisyon na ng San Beda ang pagiging No. 1 pagkatapos ng eliminations, hinawakan nila ang top seed sa loob ng 10 taon.
“I heard it’s the school tradition,” ani Beda coach Jamike Jarin.
Namuno sa opensa ng Arellano si Jio Jalalon na may kinanang 14 points at tig-eight rebounds at assists, nag-ambag sina Kent Salado at Lervin Flores ng tig-13 markers.
Sa unang game, tumikim din ng panalo ang Saint Benilde nang biktimahin ang Lyceum 65-61 sa kanilang huling laro sa season.
“We’ve been waiting for this day to come, but at least, we’re able to salvage one,” emosyunal na sambit ni Blazers coach Gabby Velasco.
Tinapos ng Benilde ang kampanya sa 1-17, 6-12 ang Pirates.
Nakuha naman ng Mapua ang No. 3 seeding nang ungusan ang Perpetual 67-63. Angat sa 12-6 ang Cardinals, laglag sa No. 4 ang Altas (11-7).