Mga laro ngayon (MOA Arena)
1:00 p.m. — San Beda vs. Mapua (jrs)
3:45 p.m. — San Beda vs. Arellano (srs)
Ipagdidiinan ng San Beda ang dominasyon sa liga, hahabulin ng Arellano U ang unang korona sa umpisa ng kanilang best-of-three finals series showdown sa 92nd NCAA basketball tournament sa Mall of Asia Arena.
Nakatanaw ang Red Lions sa pang-siyam na titulo sa huling 11 seasons at league-best 20th overall. Nasa unang championship ang Chiefs sapul nang sumali sa liga walong seasons na ang nakakaraan.
Sa Martes ang Game 2, at kung kailangan pa ng Game 3 ay sa Huwebes sa parehong venue.
Tatlong beses tinalo ng Beda ang Arellano ngayong taon, pero mabilis sinalag ni Lions coach Jamike Jarin na sila ang liyamado.
“You lose your six best players from last year, you lose your best center during the season and still end up No. 1. We must be doing something good,” lahad ni Jarin. “You could all see we’re still struggling that’s why I consider us as underdogs.”
Inabot ng ACL injury sa kaagahan ng second round si San Beda center Donal Tankoua at hindi na nakalaro. Nawala na rin ang mga pambato ng Lions noong isang taon na sina Ola Adeogun, Baser Amer, Art dela Cruz at Ryusei Koga.
Dalawang araw ipinahinga ni coach Jerry Codiñera ang Chiefs nitong weekend at handa nang sumagupa.
“I let the players rest after a long and tiring elimination round,” ani Codiñera.