Unti-unti nang nagkakahugis ang posibleng solusyon sa mga kaso ng pagpatay at pagnanakaw sa lungsod ng Lipa, Batangas makaraang magkatugma-tugma ang mga kuha ng CCTV sa ilang bangko, kung saan nakitang nagwi-withdraw ang misteryosong lalake gamit ang ATM card ng kanyang mga biktima.
Magugunitang mula Oktubre noong nakalipas na taon, hanggang Abril ngayong taon, ay nakapagtala ang Lipa Component Police Station, ng hindi bababa sa anim na kaso ng lalakeng pinatay sa pamamagitan ng pagpalo ng matigas na bagay sa ulo. Lahat ng biktima ay pinagnakawan ng wallet at ilan sa kanila ay nalimas pa ang laman ng ATM.
Kabilang sa mga biktima ng posibleng iisang serial killer sina Kevin Diño, Ariel Rosales, Henry Ramirez, Xyrus Bonifacio at Mark Quizon.
Sa kasalukuyan ay pinaghahanap rin ang isa pang nawawalang si Florante Makalintal, na principal sa isang eskuwelahan sa Lipa.
May suspek na umano ang awtoridad ngunit patuloy pang pinalalakas ang ebidensya laban dito.