Lipad

Ray Mark Patriarca

Rookie jitters.
Ito malamang ang na­raramdaman ko habang isinusulat ko ang unang piyesa sa column na ito. Ibang-iba kapag lumilikha ng straight news, mga istorya galing sa beat kung saan ako nasanay.

Ilang oras nakatitig sa blangkong espasyo sa aking monitor, malapit nang sumapit ang deadline pero tila hindi gumagana ang utak sa bagong larangang tatahakin.

Siguro naman ay sa lahat ng first time sa ating buhay ay nakaramdam din tayo ng unting kaba, ‘yung para bang gusto mo na lang mag-time travel para matapos na ang araw na ‘to.

At sa aking patuloy na pag-iisip ay doon ko napagtanto na magandang panimula rin kung aking ipopokus ang mga atleta na kagaya ko, ay sumasabak sa kanilang mga ‘first time’.

Bago tumungtong sa professional scene, halos lahat ay dumadaan muna sa collegiate level para marating ang mga status tulad nina Rachel Anne Daquis, Jaja Santiago at Alyssa Valdez.

At ngayong UAAP Season 81 women’s volleyball, biniyayaan tayo ng mga manlalaro na bagito pa, pero tila lider na ng kani-kanilang koponan.
Simulan natin sa bangis ng tigreng si Eya Laure. Tindig pa lang nito, hindi mo aakalaing isa siya sa mga bagong manlalaro ng UST. Unang salang, nagpakilala agad ang kapatid din ng da­ting Golden Tigresses na si EJ, 17 points agad ang kinana, at nagpatuloy pa ang pananalasa nito na nagawaran pa ng Player of the Week award.

Patunay sa pagiging once in a decade player ni Laure, kasama ang kanyang pangalan sa national pool ng women’s volleyball para maihilera sa mga pangmalakasang balibolista ng ‘Pinas.

Ngunit bukod sa kanya, isa pang atleta ang itinuring na agad na star ng kanyang koponan.

Nadagdagan ng suwag ang FEU Lady Tamaraws sa pag-entra ni open spiker Lycha Ebon, sa kanyang unang walong laro, isa siya sa top scorer ng tropa sa 14.9 points per contest.

Pero biglang naputol ang kanyang pakpak sa natamong injury na nagpabakante sa kanya hanggang ngayon. Aabangan pa kung makakabalik ito ngayong season kung makakatawid ang FEU sa Final 4.

At ang ihuhuli ko sa listahang ito ay ang inaasahang susunod na superstar ng defending champs ng La Salle Lady Spikers.

Hindi madaling daan ang tinatahak ng DLSU para mapanatili sa Taft ang trono, nawala ang karamihan sa kanilang haligi tulad nina Majoy Baron at Kianna Dy.

Ngunit tila hindi ito iniinda ng mga mamamana, solido ang puwesto sa second spot at isa sa mga rason ay ang rookie outside hitter na si Jolina dela Cruz.

Maikling buhok, jersey number 8 – hindi napigilan ng ilang sports fan na maikumpara ito sa isa pang La Salle legend Ara Galang. Ngunit hindi lamang sa itsura nagkakalapit ang dalawa.

Mismong ang parte na dati ng Ateneo Fab Five na si Fille Cainglet-Cayetano ang nagsabi na siya na ang susunod sa yapak ni Galang.

***
Gusto kong magpasalamat sa aming mga bos­sing, Sir Spy at Sir Gil sa patuloy na pagtitiwala sa akin, pati na rin sa aming dalawang sports editor, Sir Ferdz at Sir Ramil sa pagbibigay sa akin ng tsansang makapagkolum.

Sana’y subaybayan po niyo ang column na ito at pangako’y pagbubutihin pa sa mga susunod na labas, sa pagkakataong iyon sana’y hindi ko na maramdaman ang rookie jitters.