Liquid Ecstasy talamak sa bilibid

Muling napatunayan na kahit naka­bilanggo na sa New Bilibid Prisons (NBP) ay nagagawa pa ring makipagkalakaran sa iligal na droga matapos maaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang lalaki na supplier at nagtutulak ng party drugs.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga suspek na sina Herald Peñaflor at Lester P. Almadez, 35-anyos.

Sa ulat ng PDEA, dakong alas-nuwebe ng gabi nitong Enero 11, 2018 nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Special Enforcement Service ng ahensiya sa pamumuno ni Director Levi Ortiz matapos na makatanggap ng impormasyon na magsasagawa ng party drugs sa isang unit ng Princeville Condominium sa Mandaluyong City.

Ikinasa ni Ortiz ang kanyang grupo at habang nag-aabutan ng liquid ecstasy, table at cocaine kasama na ang pera ay agad na dinakma ng mga nagkukubling operatiba ng PDEA ang mga suspek.

Nakumpiska sa da­lawa ang liquid ecstasy na nakalagay sa ­energy drink bottles; 1.6 litrong liquid ecstasy na nagkakahalaga ng P480,000; 70 piraso ng ecstasy tablet na nagkakahalaga naman ng P46,000; at anim na pakete ng cocaine na nagkakahalaga ng P140,000.

Nakakulong nga­yon sina Peñaflor at Almadez sa detention cell ng PDEA habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila dahil sa pag­labag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kaugnay nito, isiniwalat ng PDEA chief na ang pagkaka-aresto sa dalawang suspek ay ika-limang insidente na kung saan ang mga nadakip nila ay umamin diumano na mula sa NBP ang suppliers nila ng iligal na droga.

Ang masaklap ay wala umanong nakakaalam kung sino ang mga presong ito sa NBP na sangkot pa rin sa pagpapakalat ng iligal na droga kahit nakakulong na.

Isang modus umano para maibenta ang li­quid ecstasy sa mga kostumer ng sindikato ay hinahalo ito sa energy drink at binibiyahe o dinadala sa gagamit sa pamamagitan ng transport sharing rides o Transportation Network Companies o TNCs.

Kung si Aquino ang tatanungin, sinabi nito na posibleng solusyon para mawakasan ang mga salot na nagpapakalat ng droga kahit nakakulong na sa NBP ay ilipat ang mga ito sa ibang pasilidad.

Labis din na na­ngangamba si Aquino sa pagkalat ng mas mapanganib na liquid ecstasy na puwedeng ihalo sa cocaine o Viagra para mas malakas ang tama sa gagamit nito, lalo na sa mga club at bar kung saan maraming gumagala na mga kabataan.