Liquor ban sa Paranaque: POGO, club, casino winarningan

Muling pinaalala ng pamahalaang lungsod na bawal ang pagbebenta ng alak at ang pagbubukas ng mga club sa buong Paranaque ngayong panahon ng enhanced community quarantine.

Nilagdaan ni Paranaque Mayor Edwin Olivarez ang Executive Order No. 24 kung saan inatasan ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) na suspindihin ang pagbenta at delivery ng alak at iba pang inuming nakalalasing.

Ayon sa alkalde, ang pagbabawal sa pagbebenta ng alak sa panahon ng enhanced community quarantine ay upang pigilan ang mga residente na magtipon sa mga bar, club at kalye.

“Nakita ng aming mga opisyal ang pangangailangang magpataw ng kabuuang pag-ban ng alak bilang isa pang hakbang upang maiwasan ang pagtitipon sa mga pampublikong lugar at mapawi ang posibleng pagkalat ng coronavirus,” ani ni Olivarez.

Matapos naman matanggap ang kautusan ng alkalde ay ipinamahagi ni BPLO chief Melanie Soriano Malaya ang kopya ng EO sa mga supervisor at manager ng mga hotel at casino, Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), restaurant at iba pang mga establisimiyento na matatagpuan sa Entertainment City sa Coastal Road.

Nabatid na sa kabila ng ipinatupad na curfew sa Paranaque simula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng madaling-araw, nalaman ng mga opisyal ng city hall at operatiba ng pulisya na maraming mga dayuhan ang nakita sa mga pampublikong lugar at mga hotel na umiinom ng beer at alak hanggang madaling-araw at binabalewala ang social distancing.