Dahil nabubuwisit na umano ang gobyerno ay ito na ang mag-iimprenta ng lisensya at gagawa ng mga plaka ng mga sasak­yan upang maresolba na ang problema na matagal nang hindi nasosolusyunan ng Land Transportation Office (LTO).

Ito ang kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa pagdinig ng House Committee on Transportation ukol sa emergency power na hinihingi ni Pangulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang problema ng trapiko sa Metro Manila.

Ayon kay Tugade, nag-uusap na aniya ang DOTr at Presidential Communication Operations Office (PCOO) para ang gobyerno na mismo ang mag-iimprenta ng mga driver’s license at gagawa ng plaka.

Maging ang paggawa ng plaka ay nais umano ng gobyerno na local manufacturer na ang gagawa sa pamamagitan ng bidding upang kumita aniya ang industriya sa bansa imbes na angkatin ito sa ibang bansa.