Ipinalabas na kahapon ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang listahan ng Firecrackers zone at Community Fireworks Display zone sa buong rehiyon upang mabigyan ng babala ang publiko sa pagpapaputok ng firecrackers sa mga pampublikong lugar at para mabawasan ang bilang ng mga nasusugatan sa pagpasok ng Bagong Taon sa Gitnang Luzon.
Ayon kay P/Chief Supt. Joel Napoleon M. Coronel, regional director ng PRO3, target ng kapulisan sa rehiyon na maibaba pa ang bilang ng mga masusugatan ngayong pagpasok ng taong 2019 kaya nagpalabas na sila ng listahan at bilang ng mga lugar kung saan puwedeng magpaputok at magsindi ng fireworks display.
Nabatid na sa lalawigan ng Aurora ay mayroong 23 Firecrackers at Community Fireworks Display Zone; Bataan na may 69; Bulacan, 195; Nueva Ecija, 93; Pampanga, 30; Tarlac, 29; Zambales, 174; at Angeles City, 14.
Ang lalawigan ng Bulacan ang mayroong pinakamaraming lugar na Firecrackers at Fireworks Display zone dahil pamoso ang lalawigan na siyang sentro ng bilihan at pagawaan ng paputok lalo na sa bayan ng Bocaue, Baliwag, San Rafael at Sta. Maria.
“We once again appeal to the public to refrain from using illegal firecrackers to avoid any injuries. Instead of firecrackers, we could all welcome the New Year with other forms of merriment,” ayon pa kay P/Chief Supt. Coronel, na binisita ang mga tindahan ng paputok sa bayan ng Bocaue noong Biyernes ng umaga kasama si PNP chief Director Gen. Oscar Albayalde. (Jun Borlongan)