Listahan ng mga kalsadang isasara sa Traslacion

Magkakaroon ng pagsasara ng ilang kalsada at magpapatupad ng traffic rerouting ang Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) sa panahon ng mga aktibidad sa kapistahan ng Black Nazarene sa Enero 9 sa Maynila.

Simula sa Lunes, Enero 7, isasagawa ang pagbabasbas at prusisyon para sa mga replica ng Nazareno at sisimulan na ng MDTEU ang pagsasara ng ilang kalsada.

Alas-11:00 nang umaga ay isasara ang southbound lane ng Quezon Boulevard (Quiapo), mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Plaza Miranda, at ang westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang Lerma Street.

Magpapatupad rin ang MDTEU ng traffic rerouting para sa nasabing araw.

Lahat ng sasakyang mula sa España Boulevard na magtutungo sa Roxas Blvd./South Pier Zone/Taft Ave. ay dapat na kumanan sa P. Campa, diretso sa Fugoso Street, patungo sa kanilang destinasyon habang ang mga sasakyan namang nais dumaan sa Quezon Boulevard, mula sa A. Mendoza Street ay dapat kumanan sa Fugoso, kaliwa sa Rizal Avenue.

Habang sa Enero 8, bisperas ng pista ng Quiapo, sisimulan ang pagdaraos ng vigil o ‘pahalik’ sa imahe ng Itim na Nazareno. Magkakaroon din ng pagsasara ng kalsada at traffic rerouting.

Alas-5:00 naman nang madaling-araw ay isasarado na rin ang Katigbak Drive, South Drive at Independence Road. (Juliet de Loza-Cudia)