Nilinaw kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na mga taga-National Capital Region (NCR) pa lang ang mga pasaway na kabilang sa kanilang listahan ng mga lumabag sa wastong pagkakabit ng mga campaign material para sa halalan sa Mayo 13.

Ginawa ni Guanzon ang paglilinaw matapos akusahan ang Comelec na may pinipili umanong sitahin gayung nagkalat sa iba’t ibang lugar ang mga campaign material na wala sa common poster area.

“Sa Metro Manila lang ‘yung listahan. E nagalit ‘yung iba. Bakit daw wala si ganun, wala si ganyan,” ani Guanzon.
Sinabi ni Sen. Nancy Binay na kuwestiyonable ang listahan dahil wala rito ang mga kandidatong nagkalat ang mga mukha sa iba’t ibang lalawigan.

Ipinaliwanag naman ni Guanzon na susunod na susuyurin ng komisyon ang mga lalawigan para magmonitor at magdokumento ng mga lumalabag sa wastong pagkakabit ng mga campaign material.

May mga nakatalaga aniyang opisyal sa bawat lugar para magmonitor at magdokumento kaya hindi sila maaaring magsapawan ng kanilang mga trabaho.