Literal na Paskong tuyot!

Nitong mga nakaraang linggo, ilang malalakas na bagyo mga tsong ang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) pero lumihis at hindi tumama sa bansa. Bagaman marami ang kababayan natin ang tiyak na natuwa dahil nakaiwas sila sa posibleng pinsalang hatid ng bagyo, mayroon din pala itong hindi magandang resulta.

Dahil nga lumihis ang mga bagyo at hindi tumama sa Pilipinas dulot ng hanging amihan, walang masyadong ulan na naranasan sa Luzon, kung saan naroroon ang mga dam, tulad ng Angat na pinagkukunan ng tubig para sa mga residente ng Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.

At dahil hindi raw napuno nang bonggang-bongga ang mga dam ngayon malapit nang matapos ang 2019, kailangan nilang tipirin ang suplay hanggang sa mairaos ang summer 2020. Ang resulta—balik naman ang Manila Water at Maynilad sa kanilang rotational water interruption; in short, marami na namang mga lugar ang mawawalan ng suplay ng tubig.

Paliwanag ng mga nasa kinauukulan, 212 meters ang ideal level ng tubig sa Angat Dam sa pagtatapos ng taon. Pero nitong nakaraang linggo, nasa mahigit 186.00 meters lang daw ang tubig, at inaasahang bababa pa ito sa P182 meters sa pagtatapos ng 2019.

Ang minimum ope­rating level naman daw dapat ng dam ay 180 meters. Ang tanong: umabot kaya ito hanggang July 2020, na panahon ng tag-ulan? Kung tama ang prediksyon na bababa sa 182 meters ang tubig ng Angat pagkatapos ng 2019, ibig sabihin ay nasa 4 meters ang mababawas na tubig sa dam mula sa 186 meters nitong ­nakaraang huling bahagi ng ­Oktubre. At kung wala nang pag-ulan ­ngayong Nobyermbre at ­Disyembre na bubuhos sa Angat, aba’y kayo na ang mag-compute kung ilan pa ang mababawas sa 182 meters sa loob ng unang pitong ­buwan ng 2020.

Nitong nakaraang July 2019 kung saan nakaranas din ng ma­tinding water interruption ang ilang lugar sa Metro Manila, umabot ang tubig ng Angat sa critical level na 160 meters. Kung ­mauulit ito sa susunod na taon o mas matindi pa, ­hindi natin alam. Pero malay natin, baka naman kapag nagkabati-bati na sina Gretchen, Marjorie at Claudine ­Barretto eh bigyan tayo ng kalikasan ng tamang buhos ng ulan para madagdagan lang ang tubig sa Angat.

Kapag nagtuloy-tuloy kasi ang pagbaba ng tubig sa Angat, tiyak na magtutuloy-tuloy din ang ipatutupad na rotational water interruption ng Maynilad at Manila Water na tumatagal ng apat hanggang 18 oras sa iba’t ibang lugar na kanilang siniserbisyuhan. Pero hindi ba masyadong OA naman na may mga lugar na hanggang 18 oras na walang tubig? Ibig sabihin higit kalaha­ting araw na walang tubig ang kawawang mga kostumer nila.

Ang tanong, gaano naman kahanda—malinaw ang araw-araw na anunsiyo ng Manila Water na magtipid sa tubig at paalala na maaring kakapusin sa supply.
Pero hindi pa naman dapat lubos na mawalan ng pag-asa dahil kung minsan eh may malalakas na pag-ulan pang nararanasan sa Nobyembre. Iyon nga lang, huwag naman sanang kasing lakas at kasing mapaminsalang super typhoon ­Yolanda na nangyari noong Nobyembre 2013 na nanalasa sa bahagi ng Visayas region.

Kaya kung may nagdarasal na magkabati na sana ang mga Barretto o kaya eh may nanalangin na mas marami pang rebelasyon o bistuhan na gawin ang magkakapatid, unahin na muna nating hilingin na magkaroon ng pag-ulan na “sakto lang” sa lakas at ulan, ibuhos sana sa Angat at huwag sa ibang lugar na hindi kailangan ang ulan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.