Nagsagawa na ng consultative meeting ang pamahalaang lokal ng Quezon City sa mga maaapektuhan ng pagtanggal sa Litex footbridge para bigyang-daan ang pagtatayo ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7 sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, layon nito na mabawasan ang abala sa mga residente ng lungsod sakaling tanggalin na ang footbridge.
Sinabi ng alkalde na gusto niyang tiyakin na ang mga tao ay ligtas na makakatawid sa Commonwealth Avenue sa pamamagitan ng paggamit ng ibang footbridge na hindi masasagasaan ng itinatatong MRT 7 sa lugar.
Inihayag naman ni MRT 7 Project Manager Engineer Eduardo Mangalili na ang naturang footbridge na aalisin ay hindi na kayang i-rehabilitate batay na rin sa technical assessment ng Department of Transportation (DOTr).
Sumang-ayon naman ang mga residente na malapit sa naturang lugar sa pag-alis ng footbridge.
Sa ngayon puwede nilang gamitin ang footbridge na may layong 210 at 150 metro mula sa orihinal na Litex footbridge na kanilang ginagamit.
Ang istasyon sa Mangahan ng MRT ay itatayo sa kalapit nito para magkaroon ng isang integrated footbridge na madadaanan ng lahat ng mga naglalakad.
Ang MRT 7 ay isa sa pitong proyektong pang-imprastraktura ng administrasyong Duterte. (Riz Dominguez)