Nagkasabay ng pagbisita sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong si senatorial candidate Lito Lapid at ang grupo ni Senadora Grace Poe na pinangunahan ng anak nitong si Brian Poe Llamanzares.
Si Lapid ay nakilala sa mga action movie nito partikular ang fictional character na si Leon Guerrero. Maituturing naman na apo ni Panday si Brian dahil sa naturang pelikula na ilang beses ding ginawa ng kanyang lolo na si Fernando Poe Jr.
Mainit na sinalubong ng mga OFW si Lapid sa pagbisita nito sa Hong Kong na nagsisigawan pa sa paghanga sa kanilang idolo na napanood din sa hit TV series na ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ bilang si ‘Pinuno’.
Naglakad lang si Lapid sa Hong Kong at agad naman siyang dinumog ng mga kababayan, karamihan ay mga babae na nagpakuha ng larawan kasama ang kanilang idolo.