Liza Diño, todo kayod sa Pasko

Liza Dino

KAUGNAY sa isyung pagbibigay ng 30% discount sa students, PWDs at senior citizens, nakausap namin ang FDCP Chairman Liza Diño sa programa naming Showbiz Talk Ganern sa DZRH kamakalawa nang gabi.

Naipaliwanag niyang optional itong 30% discount. Depende sa producer kung gustong magbigay ng discount umpisa sa pangatlong araw na showing ng walong pelikulang kalahok sa MMFF.

Sa pagkakaalam ­namin, ang Star Cinema lang na may entry na Vince & Kath & James ang nagdadalawang-isip kung magbibigay sila ng discount o hindi.

Naibahagi rin ng FDCP Chairman Diño na kaya idinagdag sa rules nila itong discount dahil mismong ang ibang producers ang nag-suggest na mag-discount.

Aminado si Chairman Diño na mahirap itong mga hinaharap nilang problema, pero alam nila na bahagi ito sa mala­king pagbabago na gusto nilang mangyari sa taunang Metro Manila Film Festival.

Mahalaga ang unang dalawang araw ng MMFF dahil dito nakasalalay kung may discount at dito rin nakabase kung mababawasan o madadag­dagan ng sinehan ang pelikulang kalahok.

Kaya working Christmas ang mangyayari kay Chairman Diño. Sa pagsisimula ng MMFF, kasama siya sa pagmo-monitor sa box-office performance ng mga pelikulang ­kalahok.

Si Liza ang Vice Chairman sa Monitoring kung saan si Jesse Ejercito ang Chairman.

All-out ang tulong ng MMFF Executive Committee sa filmfest.

“Alam nating lahat na hindi talaga ­commercially viability ang naging ­basehan necessarily sa mga napiling pelikula natin.

“Siguro, ‘yung mga pelikula natin, ang mga producers natin are conservative in their marketing efforts dahil siyempre, wala naman silang milyun-milyon para mag-invest sa TV ads.

“Siguro, ­conservative din ang efforts ng mga cinemas, pero they ­assured na kung kumikita ang mga pelikula, wala silang hesitation to extend it as long as may mga nanonood na mga tao.”

Tinatrabaho na rin nina Liza na hindi mapirata ang mga pelikulang kalahok.

Noong mga nakaraang taon ay nakipag-usap ang mga producers sa mga mamimirata.

Itong grupo nina Liza ay nakipag-coordinate sa OMB o Optical Media Board na hindi mangyayari ang pamimirata.

Saad ng FDCP Chairman, “We are already working with OMB. Ang OMB, mas activated ngayon.

“Even ‘yung mga FDCP staff namin, ­kasama ngayon sa mga marshals na talagang ­magmamatiyag para sa mga activities dito sa Anti-Piracy na ito.

“Ang OMB, we’re working closely with them especially for this festival.”

Very positive ang FDCP Chair na ­maganda ang kalalabasan ng mala­king pagbabago sa MMFF.

Dagdag niyang ­pahayag, “Na-let go na namin ‘yung money ­aspect. Nandu’n na kami ngayon sa audience deve­lopment, eh.

“Kasi, napakahalaga rin na i-engage natin ang mga manonood natin sa iba’t ibang klaseng putahe ng pelikula, iba’t ibang tema, hindi lang ‘yung mga normally na nakikita nila, and I think ito ‘yung dadalhin ng festival ­because very commercial ‘yung approach and it’s the only time na wala talagang foreign films na mapapanood.

“I think this is the opportunity to them to get exposed and see especially sa mga taong hindi pa talaga nakakapanood ng independent films na makita nila na… ah, ito pala ang mga pelikulang puwede nilang panoorin na may iba’t iba pang tema other than what they normally watch.

“Yun ang hope ko ­talaga.”