Liza, Jodi, Shaina, Jennylyn & Angelica, paparangalan na sa WALK OF FAME

Jennylyn Mercado

TULOY ang Walk of Fame Philippines event sa Disyembre 1 sa Eastwood City.

Nakita namin sa Greenhills, San Juan noong isang gabi si John Nite at ready na raw sila para sa annual event na ito na pinasimulan ng kanyang uncle na si German Moreno (SLN).

Kahit yumao na noong Enero 8 ng taong ito ang Master Showman ng local movie industry, itinuloy nila ang proyektong ito ni Kuya Germs.

“May board of trustees na namili ng mga para­rangalan namin ngayong December 1 at kasama roon sina Manay Ichu (Vera-Perez-Maceda) at Tito Ricky (Lo).

“Bale 15 lahat ‘yung bibigyan at hinati-hati na namin.

“Sa Movies, na mauuna sa ceremony, sina Liza Soberano, John Arcilla, Jennylyn Mercado at Angelica Panganiban.

“Ang next, sa Television at sina Jodi Sta. Maria, Shaina Magdayao at Barbie Forteza ang paparangalan.

Jodi Sta. Maria
Jodi Sta. Maria

“Then sa News and Public Affairs, sina Ted Failon, Luchi Cruz-Vades at Susan Enriquez.

“Sa Radio, sina Eddie Ilarde at Manolo Favis. Sa Music, sina Pepe Smith at Willy Cruz (posthumous). Sa Thea­ter, si Zeneida Amador (posthumous).

“Kami ni Jackie Lou (Blanco) ang magho-host. Nasa event na kami, then ang awardees, nasa may hotel lang doon din sa may Eastwood City at may cocktail doon.

“Bawat category, sabay-sabay sila na darating na naka-limousine. Pagdating nila, may video presentation at sila na ang mag-a-unveil sa Walk of Fame Philippines nila.

“Ayos na ayos na ang lahat, kaya excited din kami.

“Syempre, lahat ng mga kasama sa event na ito, ginawa namin ito bilang tribute rin kay Tito Germs. Siya ang nagsi­mula ng lahat ng ito at hindi namin ito puwedeng pabayaan

Shaina Magdayao
Shaina Magdayao

kahit wala na siya,” sabi pa ni John.

Nilinaw ni John na ang isa sa consideration sa pagbibigay ng kara­ngalan na ito ay kaila­ngang makapunta ang inductees.

Ang ibang hindi puwede sa Disyembre 1 katulad nina James Reid & Nadine Lustre ay hindi totoong inisnab ng grupo nila kundi sa ibang pagkakataon bibigyan kapag puwede nang maka-attend.

***

Sa 2017 ay exclusive Kapamilya na si Ogie Alcasid.

Magsisimula na kasi ang celebrity kids edition ng Your Face Sounds Familiar kung saan ay isa siya sa celebrity jud­ges kasama sina Sharon Cuneta at Gary Valenciano.

Ogie Alcasid
Ogie Alcasid

Ayon sa manager ng singer/songwriter na si Leo Dominguez, inaa­yos pa ang mga detalye ng exclusive contract ni Ogie sa ABS-CBN.

At dahil next year pa magsisimula ang exclusive contract ni Ogie, napagbigyan niya ang kumpare at best friend niyang si Michael V at ang mga taga-GMA 7 para mag-guest sa 21st anniversary ng Bubble Gang.

“It felt great to be reunited with the Bubble Gang guys,” sabi ni Ogie.

Magkahiwalay man sila ng TV network, bali­tang masaya si Regine Velasquez sa bagong kontrata ng mister.