PUMI-PICK UP ang karamihang pelikulang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino.

Kinikilig ang FDCP Chairperson Liza Diño na ipinost iyon sa Instagram at Facebook.

May ilang post siyang ipinapakita ang video ng mahabang pila sa mga sinehan.

Sabi niya sa isang post niya sa Instagram kamakalawa, “Pinilahan, Pinanoood, Pinagmalaki.

“Mga pila sa iba’t ibang sinehan para manood ng mga pelikulang kalahok sa Pista ng Pelikulang Pilipino! Ay, kinikilig ako para sa mga films!

“Salamat sa inyong mainit na pagtanggap at suporta. Long weekend ngayon, sugod na sa mga paborito nyong sinehan at panoorin ang mga pelikulang tampok sa PPP.

Tangkilikin natin ang sariling atin.”

Nakausap namin si Liza sa Showbiz Talk Ganern ng DZRH nu’ng Biyernes ng gabi at ayon sa kanya, malalakas ang 100 Tula Para Kay Stella, Patay Na si Hesus, Bar Boys, AWOL at Manananggal sa Unit 23B.

Maganda rin daw ang feedback at okay rin sa takilya ang Triptiko, Birdshot at Star na si Van Damme Stallone.

“So far, napakaganda ng reviews, napakaganda ng feedbacks. Ang dami kong nakuhang messages sa social media na may mga pila sa mga sinehan, especially ngayon long weekend tayo.

“Very conservative ang expectation namin dahil alam naman natin na lahat ‘to, all-Filipino films,” pahayag ni Liza.

Kaya natutuwa ang theater owners sa magandang feedback sa PPP, at in-assure sa kanya na magkakaroon uli sa susunod na taon.

Naniniwala si Liza na sa ganitong festival ay masasanay ang mga manonood sa mga bagong Pinoy Films.

“Ang goal ng Pista ay para magbigay ng mga bagong pelikula sa ating mga audience.

“At the same time, bigyan natin ng pagkakataon na mga filmma­kers at producers natin na kumita. Because puro Pilipino lang talaga ang line up sa ating mga sinehan,” dagdag niyang pahayag.

Hanggang bukas na lang ang festival, at inaasahang mananatili sa mga sinehan ang ilang malalakas na pelikula.

Pagkatapos nitong PPP ay pag-ukulan ng panahon ng FDCP ang Film Workers Summit na naka-schedule sa August 30 at 31 sa UP Diliman.

“Para po ito sa manggagawa ng pelikula.

“It’s a two-day event, conference po siya para pag-usapan po ng buong industriya ang mga problema at mga issues na kinakaharap natin pagdating po sa benefits natin, working conditions, ‘yung oras ng trabaho, mga suweldo natin, wala tayong welfare, wala tayong social services.

“Marami po tayong pag-usapan sa two-day event na ‘yun. Kaya ina­anyayahan ko po lahat na mga actors, directors, producers, mga technical crew, and artistic staff, make-up artists, production staff, lahat po na miyembro ng ating industriya na gumagawa ng pelikula,” pahayag ni Liza Diño.

Sa tulong ng ilang ahensya ng gobyerno, inaasahan nilang matugunan ang mga pangangailangan ng mga movie workers, lalo na ang mga maliit na manggagawa gaya ng production assistants, utility, make-up artists at marami pa.

“It’s a free event, but it’s a place where we can all talk and feel safe and solve kung ano ang problema natin na mabigyan natin ng solusyon.

“Nagkaroon kami ng signing ng MOA ng PhilHealth, SSS, Pag-IBIG at saka ang public attorney’s office para makapagbigay tayo ng access sa mga ganitong benepisyo.

“Ang FDCP po ang magiging center at ang pinaka-venue para po mahikayat po natin ang ating film workers na maging miyembro at maka-access po ng benefits.

“Kasi normally, wala silang employer eh. So, with FDCP, being part of the National Registry of Film Workers of FDCP, magkaroon po sila ng mga ganitong benefits,” saad ni Liza.