Liza, Nadine, Maris out sa DDS

May bagong problemang kinahaharap ang mga Diehard Duterte Supporters, ayon sa isang netizen.

Nagsalita na kasi ang maraming sikat na Pinoy celebrities laban sa Anti-Terrorism Bill, na matatandaang sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng COVID-19 pandemic.

“Ni-cancel ng mga ka DDS sina Catriona and Pia… pati sina Liza, Maris, Nadine etc… Sino na hahangaan nila? Puro panget natira,” usisa ni Twitter user @homoracle kahapon.

Ngayong linggo, bumuhos ang panawagan ng mga kilalang personalidad upang ibasura ang naturang panukalang batas.

Inaamiyendahan at pinawawalang-bisa ng panukala ang Human Security Act, at binibigatan ang parusa sa sinumang lalahok, sasangkot, o manghihikayat sa paglunsad ng ituturing na “teroristang gawain.”

Pinahihintulutan dito ang 60 araw na surveillance sa sinumang pinaghihinalaang “terorista” ng pulis o militar. Sa nasabing panahon, posible ring makulong kahit walang warrant of arrest mula 14 hanggang 24 araw.

Bukod dito, sinumang tatawaging “terorista” ng mga awtoridad ay parurusahan ng mula 12 taon hanggang habambuhay na pagkakakulong.

Wika ng mga kritiko, nakasaad sa panukalang batas ang malabong pagpapakahulugan ng “terorista” at “terrorist organizations”, posibleng pagpapatahimik ng alinmang porma ng kritisismo laban sa gobyerno, at paglabag sa rights to privacy ng sinuman.

Hunyo 3 nang ipasa sa Kamara ang naturang panukala na sinang-ayunan ng 173 kongresista at tinutulan ng 31 iba pa.

Dahil walang probisyon sa House version na sumasalungat sa Senate version–na naipasa na noong Pebrero–kailangan na lang pirmahan ng Pangulo ang panukala para maisabatas ito. (SDC)