Liza, nalungkot sa Film Workers Summit

Liza Diño

BAGO natapos ang August, meron palang Film Workers Summit na ginanap sa UP Film Center noong August 30 at 31.

Isa ito sa mga pet pro­ject ng Chairperson ng Film Development Council of the Philippines na si Liza Diño.

Sabi ng ilang kaibi­gang dumalo, hindi napuno ang film center.

Ang nakakalungkot pa, wala roon ang mga malalaking showbiz fi­gures na inaasahang dadalo.

Nag-post ang isang screenwriter na si Sigfreid Barros Sanchez sa Facebook:

“Nararamdaman ko ang lungkot at pagkadismaya ni FDCP Chair Liza Diño-Seguerra sa isi­nagawang two-day Film Summit kahapon at noong isang hapon.

“Halos ¼ lang ng mga upuan sa Film Center ang napuno, bungi-bungi pa.

“Puro mga old ti­mers ang mga nagsidatingan at iilan lang mula sa mga tinaguriang bagong hene­rasyon ng mga filmma­kers na para bang ang ginawang Summit ay para lamang sa mga matatandang taga-pelikula na nag-aasam ng benefits at walang benefits na makukuha dito ang mga bata.

“Maging ang ipinagmamalaki ni Chair Liza na mga filmmakers na kumita ng halos P200M sa nakaraang Pista ng Pelikulang Pilipino ay hindi mo nasilayan ang mga anino sa Summit maliban kay Paolo Villaluna na member kasi ng mga panelists. “Tinulungan mo sa mga proyekto nila pero hindi ka tinulungan sa proyekto mo.

“Mas marami pang dumalo sa ipinatawag na meeting ng isang direktor kamakailan para pag-usapan ang mga concerns nila sa industry na siya din namang pinag-usapan sa Summit.

“Narinig man lang sana ang boses ng grupong ito at nakita ang pakikiisa nila sa proyekto at sinserong intensyon ng FDCP na pagkaisahin ang lahat.

“Naniniwala ako na bukal ang loob ni Liza na tumulong at tumugon sa hinaing ng lahat.

“I see her doing her darn best to please everyone. Never in the history of FDCP has its leader been as busy and as supportive as this.

“She may have her faults and shortcomings but kahit naman siguro ang umupo sa puwesto na ‘yan, kahit na ang staunchest critic niya at nagdudunung-dunungan sa film ay bound to commit mistakes.

“She tries to please e­veryone, from the indie to the mainstream, from the film workers to the filmmakers. She is after all the representative of the whole industry.

“We have to applaud her for all her efforts. Walang halong pulitika ang mga kinikilos niya.

“Hindi mo nakikita o nararamdaman na ni-rah-rah-rah niya si Duterte at sa halip ay trabaho lang siya gaya ng inidolo niyang si dating Cabinet Secretary Judy Taguiwalo.

“She is very hardworking and very efficient for the job. Isa sa mga iniluklok ni Du30 na hindi siya nagkamali ng pagkakaluklok.

“Sabi nga ni Beverly Salviejo kahapon, ‘Hindi tayo dapat mapagod dahil si Chair Liza ay ‘di napapagod!’

“I just hope na sa panunungkulan niya ay maisakatuparan na ang maraming bagay na hinihiling ng mga taga-industriya.

“Una, ang mabigyan na ng karampatang benepisyo ang mga nagtatrabaho sa industriya.

“Ikalawa, ang maibalik na muli ang pamama­lakad ng MMFF sa kamay ng mga taga-industriya at hindi sa MMDA.

“At ikatlo at ang pinakamahalaga sa lahat ay ang tanghalin na ang film industry sa Pilipinas na isa talagang industriya na nakakapagbigay ng trabaho sa marami at hindi lang basta ‘amusement’ kung paano ito ides­cribe sa Konstitusyon at sa Saligang-Batas na para bang mga clown lang ang mga taga-pelikula ng lipunan samantalang mas mga clowns pa nga ang mga Senador natin at Congressman.

“Sana, makamit ito sa ilalim ng panunungkulan ni Chair Liza dahil isa ito sa napakahalagang legasiya na maiiwan niya.

“Oo, magkakamali si Chair Liza sa ibang mga desisyon niya. May mga mali din siyang magagawa.

“Pero hangga’t hindi total blunder at makakasakit sa mga kapatid sa industriya ang magagawa niya, nandito ako na nakasuporta sa mga hakbangin niya.

“Hindi rin ako mapapagod gaya niya na ipost sa status ko ang mga katiwaliang nakikita ko sa industriya.”

***

Nabasa ni Ms. Liza ang post na iyun at agree siya sa obserbasyon ni Sigfreid.

Sabi ni Ms. Liza, “Totoo naman ‘yung sinasabi niya na siyempre ‘pag sinasabi mong film worker, ang unang-una mong nasa isip ‘yung pupunta diyan, mga mala­laking artista diyan.

“Yung absence nila, siguro kahit paano, nag-cause ng parang na-dampen ‘yung spirit ng iba.

“Kasi siyempre, this could have been a chance para makapagsalita at tumayo ang mga artista, ang mga director on behalf of this workers na walang boses.

“Kahit anong gawin ng ating mga crew, hindi naman sila mapi-pick-up ng media eh. Ang mapi-pick-up ng media kung artista ka, director ka.

“Paano kami mag-iingay kung kulang ‘yung boses?”

Kahit paano masaya na raw siya sa turnout ng dalawang araw na Summit na iyun.

Nagpapasalamat siya dahil all-out ang suporta ng ilang ahensya ng gobyerno, lalo na ang SSS, PhilHealth at Pag-IBIG na ibibigay na benepisyo sa karamihang manggagawa sa pelikula at telebisyon.

Sa unang araw ay limang daan ang dumalo at sa pangalawa ay na­ging apat na raan na.

Dumating daw ang ilang artista kagaya nina Edu Manzano,Yayo Aguila at ilan pang miyembro ng KAPPT o Kapisanan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon.

Ilan sa legislators na dumalo ay si Cong. Christopher de Venecia, ang representative ni Sen. Grace Poe at representative ni Cong. Yul Servo.

Ang mahalaga nu’ng araw na iyun ay napa­kinggan ang mga hinaing ng film workers at i­naaksyunan na matugunan ito.

Saad ni Ms. Liza, “Ang puso ng Film Workers Summit is to give a platform dun sa mga hindi sa harap ng camera.

“Yung mga nasa likod ng camera, ‘yun mga gaffers, mga production assistants, mga utility, make up artists. Sila ang mga nandun.”

Sa dalawang araw daw na Summit na iyun ang isa raw sa kailangan nilang tugunan ay ang working conditions na i­nihahaing ng mga maliliit na manggagawa.

Ani Chairman Diño, “Yung working conditions, ‘yung talagang walang oras ng trabaho, ‘yung kawalan ng kontrata, ‘yung tipong nagtrabaho ka o kaya kinansela ka bigla, o kaya hindi ka pa nababayaran.

“Yun talaga ‘yung pinaka-root na problema ng mga tao na nagtatrabaho sila ng walang kontrata, na wala silang pinanghahawakan, wala silang proteksyon. So, grabe talaga.

“My heart broke for our workers na naaaksidente, nahuhulog sila, walang security. No one is taking care of them.
“Meron kaming mga legislators na nandoon para pakinggan kung anong puwedeng gawing mga batas.

“At kami naman mismo, meron kaming ni-launch na Magna Carta for Film Workers.

“Dito mapapaloob lahat na puwede nating gawin para i-address at tugunan ‘yung mga panga­ngailangan ng industriya, para mapangalagaan ang kanilang kapakanan.”

Tinitiyak niyang hindi ito magiging ningas cogon at meron silang division na ito lang ang haharapin at sasagutin ang lahat na mga ipinapara­ting na problema ng mga ­manggagawa.

“Yun siguro ang ma­ging kaibahan sa FDCP. Kasi, ang importante sa bawat isa, kahit anong klaseng inisyatibo ay follow through.

“Kailangan hindi tayo tumitigil. Kaila­ngan, maingay ka lagi.

“With FDCP, this is the priority. Kasi more than the program, more the event, kung tala­gang makagawa kami ng magagandang polisiya, ang maku-cover nito buong industriya.

Hindi piling tao.

“So napakaimportante sa amin na ako, ­siyempre personally as chair, maiwan ko man lang na ganito.

“This is not forever. I think three years lang ako dito sa industry. Gusto ko na talaga gawin lahat, para at least man lang after my term, ma-institutiona­lize natin ang mga policy na puwede nating mangyari para magbago na. Nakakalungkot talaga,” saad pa ni Ms. Liza.

***

Hindi man nakara­ting, tumawag sa kanya si Cong. Alfred Vargas at nagparating din ng mensahe si Cong. Vilma Santos na tutulong sila sa pagtugon ng mga panga­ngailangan ng mga manggagawa ng Pelikulang Pi­lipino.

“Tumawag si Cong. Alfred Vargas at magsi-set sila ng appointment para mapag-usapan ang kung ano ang napag-usapan sa summit.

“Pati rin si Cong, Vilma Santos. Tutulong daw sila,” sabi pa ng FDCP Chairperson.