Sunod-sunod na mga bago at naglalakihang programa ang hatid ng ABS-CBN sa pagbubukas ng 2020, kasama ang mga teleseryeng pagbibidahan ng mga pinakasikat na bituin, pagbabalik ng minahal na reality-singing competition, at inaabangang Asian dramas.

Matapos ang higit sa isang taon na paghihintay ng kanilang mga tagahanga, nakatakda nang magbalik-telebisyon ang tambalan nina Liza Soberano at Enrique Gil ngayong Enero sa pag-uumpisa ng kanilang seryeng “Make It With You” na kinuhanan sa Croatia.

Matutunghayan din sa Enero ang pagsasama-sama ng mga aktor mula sa iba’t ibang henerasyon na bibigyang-buhay ang kuwento ng mga huwarang sundalo sa “A Soldier’s Heart,” na pinangungunahan nina Gerald Anderson, Nash Aguas, Yves Flores, Elmo Magalona, Vin Abrenica, Jerome Ponce, at Carlo Aquino.

Dalawang bagong Asian dramas din ang mapapanood simula Enero, kabilang ang most awarded nitong 2019 na “Yang Xi” at “Flower Crew Dating Agency” na pinagbibidahan ng South Korean actor at rapper na si Kim Min-jae.

Mag-uumpisa naman ang Pebrero sa pagbabalik ng reality-singing competition na “The Voice Teens,” kung saan muling sasabak ang international star na si Apl.de.ap bilang isa sa coaches.

Tampok naman sa Marso ang tambalan nina Maymay Entrata at Edward Barber na kakikiligan sa kanilang unang teleserye na “When We Fall In Love” na kinunan sa bansang Japan. (Roldan Castro)