Mga laro ngayon (The Arena, San Juan)
12:30 pm — Generika vs. Petron
2:30 pm — Opening ceremony
3:00 pm — Foton vs. F2 Logistics
Babasagin ng magkaribal na Foton at F2 Logistics ang hostilidad ng 2016 Asics Philippine Superliga Grand Prix presented by PLDT Home Ultera sa The Arena sa San Juan ngayon.
Kinapos ang defending champion Tornadoes sa All-Filipino conference nang ‘di umubra sa Cargo Movers, pagkakataon nila para gumanti sa laro kasunod ng opening ceremony.
Kinuha ng Foton ang beteranong Serbian coach na si Moro Branislav, balik na si Dindin Santiago-Manabat matapos manganak sa panganay nila ni Chico.
Balik din sa team sina Lindsay Stalzer at Ariel Usher. Nanatili sa team sina Jaja Santiago, Sisi Rondina, Rhea Dimaculangan, Maika Ortiz, Patty Orendain, Ivy Perez at EJ Laure.
“Our team has the talent,” saad ni Branislav, hahawak din sa PSL-F2 Logistics Manila sa FIVB Women’s Club World Championship sa October 18-23. “But making it work into one cohesive unit is a big challenge. All teams are strong. We have to work hard to turn that talent into victories.”
Si Sydney Kemper pa lang ang dumating na reinforcement ng Cargo Movers, parating pa lang sa susunod na linggo si Hayley Dora Spelman.
Pangungunahan ni team captain Cha Cruz ang F2 Logistics kasama nina Aby Maraño, Kim Fajardo, Kim Dy, Mika Reyes, Ara Galang, Majoy Baron, Cyd Demecillo at Dawn Macandili.
Bakbakan ang dating two-time champion Petron at Generika sa first game.