Loan agreement sa Kaliwa Dam iligal — Bayan Muna

Kinontra ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang ibinibenta ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na ang pagtatayo ng Kaliwa Dam ang solusyon para maiwasan ang panibagong krisis sa tubig at tutugon sa malaking pagkakukulang sa kapasidad ng Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Ka­lakhang Maynila.

Ayon kay Zarate, maaaring resolbahin ang krisis sa tubig nang hindi kinakailangang magtayo ng dam na bukod sa malapit na sa fault line ay mawawala pa sa lugar ang mga indigenous people at maglulunod sa bansa sa panibagong foreign debt lalo at 2% ang interest rate ng uutangin sa China.

Hinamon din ng Makabayan bloc ang administrasyong Duterte na patunayang hindi lugi ang mga Pi­lipino sa pinasok nitong kontrata sa China para sa pagtatayo ng Kaliwa Dam at Chico River Pump Irrigation na magmumula sa Quezon hanggang sa Tanay sa Rizal.

Nanindigan ang grupo na labag sa Konstitusyon ang loan agreement para sa naturang dam project na nagkakahalaga ng P12.20 bilyon.