Local transmission ng COVID19 bumagal

Inihayag ng Department of Health (DOH) ng pagbagal ng lokal na transmisyon ng Coronavirus disease 2019 (COVID19).

Malaki ang paniniwala ng DOH na nagbubunga na ang kampanya ng gobyerno laban sa COVID19

“Meron tayong dalawang good news: una, sabi ng mga eksperto bumabagal na ang doubling time- ibig sabihin nito kung dati rati, sa loob ng 3 araw dumodoble na ang mga kaso, ngayon mas mabagal na ito. Halos 5 araw na ang average,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Gayunman, ang target ng DOH na maging 30 araw ang ‘doubling time’.

Ito ay nangangahulugan na kung noong Lunes (Abril 20) ay 6,000 ang kaso, sa Mayo 20 ay dapat 1,200 pa lamang dapat ang kaso sa bansa.

Habang ang ikalawang magandang balita ng DOH, karamihan sa mga kaso ay nananatili sa National Capital Region (NCR) na ang ibig sabihin hindi pa nagiging malawak ang pagkalat ng virus sa bansa.

“May pagkalat na nangyayari sa ibang parte ng bansa, ngunit mayroon pa ding mga probinsya na wala pa ring kaso o matagal ang pagtaas ng kaso,” ayon pa kay Vergeire.

Nagpaalala rin ang DOH na maaaring hindi maging permanente ang dalawang magandang balita kung hindi makikipagtulungan ang publiko sa ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon kay Vergeire, hindi umano dapat magkampante at manatiling sumusunod sa social distancing, palagiang paghuhugas ng kamay at pagsusuot ng facemask para hindi pumangit ang magandang balita. (Juliet de Loza-Cudia)