Lochte inari ni Phelps

RIO DE JANEIRO (AP) — Apat na daliri na ang winagayway ni ­Michael Phelps.
At siya na ang first swimmer na naghari sa parehong event sa apat na sunod na Olympics.
Palagi nang nasa batok lang niya si Ryan Lochte, dumidikit pero hindi makauna.

Sa trinumpetang final showdown ng ­itinuturing na greatest swimmers ng America, pinakain ng alikabok – tubig – ni Phelps si Lochte at lahat ng kasabay sa pool para ikuwintas ang pang-apat niyang gold medal sa Rio Olympics at 22nd overall nang muli ay ­ariin ang 200-meter indivi­dual medley Huwebes ng gabi.

Full body-length sa unahan ng field si Phelps matapos dominahin ang breaststroke at freestyle legs, tumapos sa tiyempong 1 minute, 54.66 seconds.

May koleksiyon na siyang 13 individual gold at 26 medals overall, pati siya ay hindi makapaniwala sa nagawa sa buong career.

“I don’t know how to wrap my head around that,” ani Phelps. “It’s been a hell of a career.”

Sa nakalipas na tatlong Olympics, sa event na iyon ay nagkasya sa dalawang silver at isang bronze si 12-time Olympic medalist Lochte sa likod ni Phelps.

Sa pinakahuli, hindi nga siya nakasampa sa podium.
Leading pa sa kalahatian ng race, nalaglag sa fifth si Lochte – halos 3 seconds sa likod ni Phelps.

Sinikwat ni ­Kosuke Hagino ng Japan ang silver, na-salvage ni Wang Shun ng China ang bronze.