RIO DE JANEIRO (AP) — Kinasuhan nitong Huwebes ng Brazilian police si American swimmer Ryan Lochte dahil sa pagpa-file ng false robbery report hinggil sa insidenteng nangyari sa Olympics sa Rio.
Ipaparating ang nilalaman ng kaso kay Lochte sa United States para makapag-desisyon ito kung maghahain ng depensa sa Brazil.
Wala raw comment si Lochte, ayon sa spokeswoman nitong si Melissa Nathan.
Sinabi noon ni Lochte na tinutukan sila ng baril at pinagnakawan ng mga kalalakihang may police badge.
Kasama ni Lochte sa taxi ang mga kapwa-swimmers na sina Jack Conger, Gunnar Bentz at Jimmy Feigen at pabalik na ng Olympic Village mula sa isang party noong Aug. 15.
Sa video surveillance, nakita ang mga atleta na nakikipagsagutan sa mga security guards ng isang gas station na tinigilan ng sinakyan nilang taxi dahil gagamit daw ng comfort room ang grupo. Bagama’t may magkakaibang bersiyon kung naglabas ng baril ang guards, inamin ni Lochte na lasing siya kaya nagkaroon ng komprontasyon.
Pagkatapos ng insidente ay umalis na ng Brazil si Lochte. Tatlong araw ang nakalipas, dinampot ng mga awtoridad sina Conger at Bentz sa eroplano bago makaalis papuntang US. pinayagan ang dalawa na umalis ng Brazil, pati na si Feigen, matapos magbigay ng statement.