Lockdown hanggang Mayo fake news – Nograles

Mariing itinanggi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na sinabihan niya ang mga negosyante na palalawigin ang Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ) hanggang sa kalagitnaan ng buwan ng Mayo.

Sinabi ng kalihim na “totally false, untrue, and fake” ang mga ulat na sinabi niya sa mga negosyante sa isang briefing na pumapabor si Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang ECQ hanggang sa susunod na buwan.

“Naku, napakalayo sa katotohanan. This is totally false, totally untrue, totally fake. So huwag na po nating patulan iyan. So fake, false, untrue, totally, totally,” ayon kay Nograles.

Si Nograles ang tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Matatandaang unang isinailalim ni Pangulong Duterte sa ECQ ang buong Luzon noong Marso 16 para mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Noong Abril 6 ay pinalawig ng Pangulo ang ECQ hanggang sa Abril 30.

Ayon kay Nograles, magpupulong ngayong Lunes ang IATF para pag-usapan kung ano ang mga gagawing hakbang kapag natapos na ang ECQ sa Abril 30. (Prince Golez)