Naipit ang National Capital Region Polis Office (NCRPO) matapos umamin na sila ang nag-utos na i-lockdown ang Resorts World Manila, gayong nasusunog na ito at maraming na-trapped na tao sa loob ng gusali.
Kinumpirma ni NCRPO Director Chief Supt Oscar Albayalde na siya ang nag-utos ng lockdown sa RWM, subalit nilinaw nito na hindi ito ang dahilan kung bakit naipit ang 37 biktima na nasuffocate at nasawi.
Sinisisi ng ilang kaanak ng biktima ang ipinatupad na lockdown sa RWM sa kasagsagan ng sunog kaya hindi umano nakalabas ang mga biktima.
Humarap sa pagdinig ng Kamara si Albayalde at ilang mga kaanak ng mga nasawi sa RWM tragedy.
Ani Albayalde iniutos niya ang lockdown bilang security purposes dahil sa inisyal na report ay nagpark ng sasakyan sa parking area ang gunman na si Jessie Carlos kaya ang tugon dito ng PNP ay tuntunin ang sasakyan ni Carlos dahil sa pangambang may dala itong bomba.
Hindi umano intensyon ang lockdown para hindi palabasin ang mga biktima o papasukin ang rescue personnel kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP).
Pinatunayan naman ng BFP sa naganap na pagdinig na walang prohibition sa kanilang pagpasok sa RWM at nagawa nila ng maayos ang kanilang tungkulin.
Sa panig ng Philippine Economic Zone Authority(PEZA), sinabi nito sa pagdinig na naka-comply ang RWM sa hinihinging requirements pagdating sa fire safety, nakapasa din umano sa annual inspection ang mga equipment para sa fire safety.
Maliban umano sa permit sa PEZA ay may hiwalay pang safety permit ang RWM sa local government ng Pasay City.