Hindi kinulang sa intensidad at pisikalan ang throwback ng Manila Clasico Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Kumbaga sa soccer, friendly lang ang match ng mga oldie ng Ginebra at Purefoods sa Return of the Rivals cha­rity event pero tulad ng dati, mainit.

Hindi naman lahat, at madali ding naipagpag ang tensiyon.

Sa second half, nagkabalyahan at nagkabuhol sa ilalim sina Noli Locsin ng Gins at Richard Yee ng Purefoods.

Kinailangan pang pumagitna ang mga kakampi para sila paghiwalayin.

Natapos naman ang laro na kalmado ang lahat, wala nang pisikalan.

At nanalo ang Ginebra 97-89.

Joke lang daw ng dalawang Ilonggo ‘yun, sabi ni Locsin.

“Pareho kaming Ilonggo. Alam n’ya ‘yun. Lokohan lang,” ani Locsin, tumapos ng 14 points at 9 rebounds sa loob ng 21:21.

Ramdam din ni Jayjay Helterbrand, sa edad na 42 ay pinakabata sa Ginebra squad, ang tensiyon. Pati raw siya muntik maapektuhan.

“There were elbows thrown and guys talking trash,” ani Helterbrand, nag-retiro noong 2017 matapos ang 17 seasons.

“Ako, I almost got pikon on one play. But I had to remember, this is just for fun.”

Tumapos si The Fast na may triple-double — 21 points, 10 rebounds, at 11 assists.

Charity game na para sa mga dating players na may sakit at nangangailangan, pero basta Ginebra-Purefoods ay may sidelights.

Ang iskor:
Ginebra San Miguel 97 – Helterbrand 21, Hizon 19, Aquino 15, Locsin 14, David 12, Feihl 7, Palad 4, Jarencio 4, Jose 1, Isaac 0, Gayoso 0, Loyzaga 0, Cheng 0, Distrito 0, Ong 0, Mamaril 0.

Purefoods 89 – Yap 27, Artadi 14, Espinosa 14, Sta. Maria 7, Patrimonio 6, Codinera 6, Yee 5, Capacio 3, Marquez 3, Balingit 2, Solis 2, Ravena 0, Magsanoc 0, Pumaren 0, Naron 0.
Quarters: 16-17, 38-38, 77-66, 97-89.