Loi, ipinasa na ang ‘Mare’ kay Jackie

Jackie Ejercito at Dra. Loi Ejercito

KAHAPON ay pormal nang ipinasa ni Dra. Loi Ejercito ang chairmanship ng Mare Foundation sa kanyang anak na si Jackie Ejercito.

Ginanap ang formal turnover sa San Andres Sports Complex kung saan sinilebrayt na rin ang kanyang kaarawan.

Isa iyun sa memorable na birthday cele­bration ni Jackie dahil nakasalamuha niya ang mga taga-Maynila at ang iba ay nabigyan niya ng tulong.

Dinaluhan din ang naturang event ni President-Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.

Doon na rin in-induct ang mga bagong opisyal ng Mare Foundation na kinabilangan ng maybahay ng dating Sen. Jinggoy Estrada na si Precy Ejercito.

Itong pamimigay nila ng tulong kahapon ay isa sa mga projects ng Mare Foundation na kung saan namigay sila ng tulong sa mga gustong magsimula ng negosyo.

May binigyan sila ng mga sewing machines. Meron din silang binigyan ng mga wheelchair sa mga pasyenteng hindi nakakapaglakad.

Sabi ni Jackie, nang ina­lok sa kanya ng Mommy niya na siya na ang mamahala ng Mare Foundation, gusto sana niyang tanggihan.

Tingin niya, hindi niya kayang pantayan ang mga nagawa ng Mommy niya sa Mare Foundation na nakakatulong na sa mga mahihirap sa loob ng 19 years.

Pero tinanggap niya dahil sa sinasabi ng kanyang ama na napakalaki ng utang na loob nila sa masa.

Bahagi ng speech ni Jackie, “Naalala ko lang po na ang laging sinasabi ng aking ama, mamatay, mabubuhay si Erap, hindi makakabayad ng utang na loob sa masang Pilipino.

“Kaya tinanggap ko ang tungkulin bilang chairman ng Mare Foundation para ipagpatuloy ang kanilang nasimulan.”

Marami pang projects na naka-line ang Mare Foundation na karamihan ay nakakatulong sa mga taga-Maynila.