Lola binaril ng pamangkin sa dibdib

barilan

Isang matandang babaeng negosyante ang nasugatan makaraang barilin sa dibdib ng kanyang pamangkin sa lungsod ng Pasay kahapon.

Nakaratay ngayon sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Hilda Tengco-Lanuza, 61-anyos, nakatira sa no. 89 C. Jose St., Brgy. 166, Malibay, Pasay sanhi ng tinamong isang bala sa dibdib buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police para sa ikadarakip ng suspek na si Juancho Tengco, 35, taga-331 Arnaiz St., Pasay City.

Sa report ni Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, alas- 12:15 ng tanghali nang maganap ang insidente sa bahay ng biktima sa no. 89 Jose St., Brgy. 166, Malibay.

Ayon sa 15-anyos na apong babae ng biktima, habang nagluluto ang biktima sa kanilang garahe ay dumating ang tiyuhing si Juancho at galit na kinompronta ang biktima.

Sa kasagsagan ng pagtatalo ay binaril ni Juancho ang tiyahing si Lanuza at nang bumulagta ay mabilis na tumakas.