Dead-on-arrival sa pagamutan ang isang lola matapos masagasaan ng tren habang papatawid sa riles ng tren sa Brgy. San Martin De Porres, Parañaque City kahapon nang umaga.
Batay sa report ng Parañaque City Police, nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktimang si Emiliana Duran, 65-anyos at residente ng nasabing barangay.
Nangyari ang aksidente bandang alas-6:20 nang umaga habang papatawid ang biktima sa riles at posibleng hindi umano napansin o narinig ang paparating na tren na minamaneho ni Lizardo Berina.
Nakaladkad pa ng tren ang biktima na isinugod ng rescue team sa pinakamalapit na ospital pero idineklarang dead-on-arrival.
Nabatid na galing sa Tutuban, Maynila ang tren.
Ayon sa pamunuan ng Philippine National Railways (PNR), may polisiya sila na hindi maaaring hulihin ang drayber ng tren dahil nasa right of way ito at handa naman silang tumulong sa pamilya ng biktima.