Sa isang kawatan hindi sapat ang makapagnakaw lamang, kundi nagagawa pa nitong patayin ang biktima katulad sa nangyari sa 66-anyos na lola na matapos pagnakawan ay pinaslang pa sa Navotas City, kahapon ng madaling-araw.
Malamig na bangkay na at tadtad ng saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan nang madiskubre ang biktima na nakilalang si Erlinda Laquindanum, sari-sari store owner, ng Brgy. Tangos ng nasabing lungsod.
Habang itinuturo namang suspek sa krimen si Edward Punzalan ng F. Abiola St., Brgy. Tangos, Navotas City na ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad.
Lumilitaw na ang suspek ay unang nakita mismo ng saksing si Daverick Laquindanum, apo ng biktima, dakong alas-11:00 ng gabi na umano’y tinatangkang buksan ang bintana ng bahay ng kanyang Lola kung kaya’t kinumpronta niya ito na mabilis umanong umalis.
Dakong alas-5:45 ng madaling-araw ay nadiskubre ang bangkay ng biktima ng kanyang mismong kapatid na si Rosita Santiago nang pumunta ito sa tindahan para bumili.
Ayon kay Santiago, una niyang napansin na nakabukas ang pinto at bintana ng bahay ng kanyang kapatid kung kaya’t kinabahan ito at agad tiningnan ang loob ng bahay. Dito nga ay halos panawan umano siya ng ulirat nang madiskubre ang nakahandusay at duguang bangkay ng biktima sa hinihigaang kama.
Nagkalat din umano ang lahat ng kagamitan ng biktima sa loob ng bahay na patunay na hinalughog ng suspek ang mga kagamitan. Nadiskubre din na nawawala ang hindi pa mabatid na halaga ng salapi ng biktima.
Mabilis naman ipinag-utos ni Navotas City police chief Senior Supt. Dante Novicio ang pagtugis sa umano’y itinuturong suspek na si Punzalan.