Dahil sa pagmamahal, isang lolo ang nagtamo ng first degree burn nang tangkain nitong sagipin ang kanyang kabiyak na may kapansanan at natusta sa loob ng kanyang kuwarto sa naganap na sunog noong Biyernes sa Dammang East, Echague, Isabela.
Kinilala ng Echague Fire Station ang biktima na si Virginia Matterig, ng nasabing bayan. Ang asawa naman nito na nagtamo ng mga sunog sa katawan ay si Villamor Matterig, 71.
Sa imbestigasyon, sinabi ni SFO1 Reinier Cante na electrical short-circuit mula sa nag-overheat na electric fan sa unang palapag ng bahay nagsimula ang sunog.
Dahil sa may kalumaan ang bahay mabilis na kumalat ang apoy papunta sa kuwarto nina Virginia na may kapansanan.
Ayon kay Cante, dahil sa hindi makalabas ng kuwarto si Virginia, dali-daling lumusong si Villamor sa bahay upang sagipin ang kabiyak ngunit hindi niya na nagawa ito bahil malaki na ang apoy.
Sa tulong ng mga bombero, nailabas ang maluha-luhang lolo sa natupok na bahay.
Narekober ang katawan ng lola na niyakap pa umano Villamor bago dinala sa morgue.