Tatlong katao kabilang ang isang lolang biyuda na matagal nang sinusubaybayan sa pagtutulak ng iligal na droga ang dinakip ng Philippine National Police (PNP) makaraang kumagat sa inilatag na buy-bust operation sa Marilao, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ni P/Supt. Amado Mendoza Jr., chief of police ng Marilao PNP, ang mga naarestong sina Evelyn Bautista alias Mommy, 65, biyuda ng Barangay Poblacion 2 at kanyang mga kasabwat sa pagtutulak ng droga na sina Moises Jacob at Jayson Sinag, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Barangay Saog, pawang sa bayan ng Marilao.

Nakuha kay Bautista at kasamang suspek ang walong pakete ng shabu, iba’t ibang drug paraphernalias at marked money na ginamit sa operasyon.

Bandang alas-4:30 ng hapon nang isagawa ang buy-bust operation laban kay Bautista na kilala sa bansag na Mommy sa labas ng kanyang tinitirhan sa Barangay Poblacion 2 ng nasabing munisipa­lidad at matapos iabot ang isang pakete ng shabu sa poseur-buyer na isang pulis, pumasok na ito sa kanyang bahay.

Nakadetine na ang mga suspek sa Marilao Municipal Jail at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.