Lolit ‘di kaya ang power ni Gretchen

Mapagkumbabang sinagot ng veteran colum­nist and talent manager na si Lolit Solis ang pagtawag sa kanya ni Gretchen Barretto ng “tota” Lolit.

“Naku ha hindi ko kaya powers ni Gretchen Barretto Salve. Ano ang magagawa ng isang 72 years old powerless na senior citizen na tulad ko sa isang very powerful, mayaman at reyna ng kagandahan tulad ni Gretchen?

“Siyempre ang manginig sa takot dahil hindi mo alam how far Gretchen will go sa threat niya sa isang powerless, moneyless old woman na tinatawag niyang Tota Lolit,” ang bungad ni Nay Lolit sa kanyang Instagram post.

Pero nagawa pa ring purihin ni Nay Lolit si Gretchen sa pag-iisip na word na “tota” instead of “tita.”

“Cute ni Gretchen ha, hindi ko akalain kahit galit siya hindi nawawala ang wit niya para maisip ang Tota Lolit. At least, dahil dog lover ako, bagay sa akin,” saad pa ni Nay Lolit.

Gayunpaman ay sinabi rin ng co­lumnist/talent manager na hindi raw siya magso-sorry kay Greta dahil baka hindi naman daw nito tanggapin.

“Well, I cannot simply say SORRY dahil siyempre baka hindi niya tanggapin. So whatever Gretchen feels to do with a powerless, moneyless, old senior woman like me, tanggapin ko na lang. Kung saan puwede humantong galit niya, what can I do?

“Sleepless nights and stress might kill me, but ito usually ang payment sa ginawa mo na hindi matanggap ng iba, so Take It Per Minute, kung anuman ang mangyari. Hay naku, when you are 72, life is like a chocolate, you don’t know what flavor you will get inside the box of different flavors, bitter, sweet, sour or dark or white,” pahayag pa ni Nay Lolit.

Siyempre, hinihinalang may kaugnayan sa galit ni Greta kay Kris Aquino ang ganitong “pahaging” niya kay Nay Lolit since inaakala nga ng kampo nila Nicko Falcis na pumapanig ang kolumnista kay Kris.

Idagdag pa rito ang pagkaka-mention nina Nay Lolit at Nay Cristy Fermin sa digital show nila last month na may utang daw si Claudine Barretto kay Jinkee Pacquiao.
***

Hindi ako waldas sa pera — Clau

Samantala, sinagot na rin naman ni Claudine Barretto sa kanyang IG Live last March 27 ang tungkol sa issue ng utang niya umano kay Jinkee.

“Mag-live ako ngayon kasi may lumalabas na chismis na meron daw akong utang kay Jinkee Pacquiao, who is my kumare. Manny is Sabina’s godfather at ninang naman ni Santino si Miss Jinkee Pacquiao, so kumare ko talaga ‘yan, sobrang bait,” simula ni Claudine.

“Lately, may mga lumalabas na baon daw ako sa utang kay Jinkee Pacquiao at lumalabas din na meron kaming business or transaction na pinasukan na hindi nag-prosper, parang ganyan and baon-baon ako sa utang.

“Alam n’yo ho, sa una kasi, hindi mo naman talaga papansinin pag ganyan, ‘di ba? Kaya lang minsan pag ‘di na mamatay-matay ‘yung tsismis nakaka-bother na rin. Unang-una kasi, nakakahiya, nada-drag ‘yung pangalan ni Jinkee,” sabi pa ni Claudine.

“Ako, kaklaruhin ko ngayon pa lang, wala po akong kahit na anong utang kahit kanino, kahit kay Miss Jinkee Pacquiao na kumare ko,” patuloy niya.

“Hindi po ako mayaman pero hindi rin ako waldas sa pera so sana matapos na ‘yung tsismis na ‘yan. Alam namin kung saan ‘yan nanggagaling,” sey pa ni Claudine.

Habang nagla-live session ang aktres ay nagkomento rin si Jinkee at nilinaw na wala talagang utang sa kanya si Claudine at wala rin silang business.

Nag-post ng pasasalamat si Claudine kay Jinkee sa kanyang Instagram account at dito ay nagkomento naman si Greta. Pinangalanan niya ang kapatid niyang si Marjorie na siyang pinanggalingan ng balita.

“@jinkeepacquiao Thank you so much for clearing this issue. I will be forever grateful to you .i am not blaming my friend tita cristy fernin & tota lolit. We investigated & was told that MARJORIE BARRETTO IS THE KNE SPREADING THE (utang issue). Low Blow,” ang komento ni Greta.