Lolit-Gabby walang away

Dahil sa pagkakaayos nina Marian Rivera at dati niyang manager na si Popoy Caritativo, inihalintulad dito ng talent manager/veteran columnist na si Lolit Solis ang relasyon din nila ng dating alagang si Gabby Concepcion.

Sa Instagram post ni Nay Lolit kahapon, ibinahagi niya na akala raw ng tao ay magkaaway sila ni Gabby. Hindi raw ito totoo at aniya, may manipis na sinulid pa ring nag-uugnay sa kanila ng aktor dahil na rin sa tagal ng kanilang pinagsamahan.

“Tulad ng naging kaso nila Marian Rivera at Popoy Salve na dahil nga matagal naging manager/talent, ganu’n din naging kaso namin ni Gabby Concepcion.

“Akala ng mga tao meron kaming away, hindi nag-uusap o baka may galit sa isa’t isa. NO. Nandun pa rin iyon manipis na sinulid na nag-uugnay sa amin,” ang pahayag ni Nay Lolit sa kanyang post.

Magkaibigan daw sila ni Gabby although wala na silang professional ties at hindi na puwedeng magkatrabaho together.

“Nag-uusap kami pag nagkikita, andun ako sa wake ni Daddy Rolly, lahat ng kapatid ni Gabby magiliw pa rin sa akin, we are friends pero wala ng professional ties.

“Siguro respeto na lang sa isa’t isa, hindi na kami puwede magtrabaho together, but we remained civil and polite to each other. Sobra sa tagal ang pinagsamahan namin ni Gabby na hindi basta mabubura.

“Ako sa sarili ko alam ko na pag may hiningi akong tulong kay Gabby sure ako na ibibigay niya, at ganun din ako sa kanya.

“Pero better for both of us na wala na kaming business ties. Basta kahit paano may galang pa rin kami sa bawa’t isa,” patuloy pa ng talent manager/columnist.

Sa huling bahagi, ani Nay Lolit ay masaya siya na hanggang ngayon ay nasa itaas pa rin ang career ng dating alaga.

“At honestly, natutuwa ako makita na up to now nasa itaas pa rin si Gabby at isa pa rin sa A list actor natin. At sabi ko nga, friends pa rin kami,” pagtatapos ng manager nina Lorna Tolentino, Alfred Vargas, Mark Herras, Amy Austria, Christopher de Leon, Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Gladys Reyes among others.

Alexa bitter kina Nash-Mika

Hindi lang kay Nash Aguas may rebelasyon si Alexa Ilacad kungdi maging sa kaibigang si Sharlene San Pedro. As we all know ay magkakasamang lumaki ang tatlo sa “Goin’ Bulilit” kasama ang iba pang child stars noon na ngayon ay malalaki na rin.

Ibinunyag ni Alexa na na-bully siya at pinagtulungan nina Nash at Sharlene way back. Hindi na niya sinabi kung kelan pero aniya ay “a bit way back” lang.

“I was so surprised na I woke up one day using my Twitter and I saw na they were teaming up against me,” pahayag ni Alexa sa panayam namin sa kanya sa presscon ng horror flick na “Santigwar” kung saan ay siya ang lead star showing on October 30.

Kinumpirma niyang ang “they” na tinutukoy niya ay sina Sharlene, Nash at iba pang grupo nito na hindi na niya binanggit ang names.

“And then, I confirmed na it was real. At hindi lang sila, ‘yung buong group nila na ‘yung iba naman doon talaga, ‘Goin’ Bulilit’ pa lang, binu-bully na ako.

“Pero I was really hurt, pinaka-hurt kay Sharlene coz I thought we were friends. We were okay. Good kami.

“And then, ayun, nagulat ako one day na ‘ano to? Inaaway nila kami ni Jairus (Aquino, another former ‘Goin’ Bulilit’ cast), pinagtutulungan nila kami.’

“So, sabi ko, ‘saan ito nagsimula?’ And then I found from anak ni direk Bobot (Mortiz, direktor ng ‘Goin’ Bulilit’) na inutusan daw ni Nash si Sharlene na gawin ‘yun,” pagbubunyag pa ni Alexa.

Hindi rin daw niya alam kung bakit nakasama si Sharlene sa grupo ng nangbu-bully sa kanya samantalang magkaibigan naman sila.

When asked kung bakit ngayon lang niya sinasabi ang tungkol sa bullying na ito especially during “Goin’ Bulilit” days, aniya, dahil nakakapagod na rin daw.

“Because I’m so tired, this is just so tiring, it’s been so long. And the fact na they’re still grilling me about it, I’m done. I’m gonna say everything once and for all para tapos na. Para tumigil na rin silang lahat,” sey niya.

Open ba siya na makipag-ayos kay Sharlene at ma-save pa ang kanilang friendship?

“Yes. Open ako. I don’t think kasi na alam niya, I don’t think she’s aware of what she did. Kasi whenever we see each other noon, she would approach me. Tapos, sabi ko, parang hindi siya aware na may ginawa siyang hindi maganda,” she said.

Ano ang reaksyon niya sa sinasabi ng iba na bitter lang siya sa relasyon nina Nash at Mika dela Cruz?

“I’m not bitter, oh my gosh, they can live happily ever after (until) the end. Sabi ko nga, ‘I want to exclude myself,’ that’s why, this is the last time I’m speaking and it’s once and for all, everything out there,” ani Alexa.

Mga fan nina Ken-Rita asa pa more

Masayang-masaya si Ken Chan na umaani na naman ng tagumpay ang bago niyang seryeng “One of the Baes” with Rita Daniella.

Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ni Ken na sa bawat serye niya ay talagang minamahal ng mga manonood magmula pa sa “Destiny Rose” noong 2015 at kasalukuyan nang umeere ngayon sa Thailand habang ang “My Special Tatay” na huling pinagbidahan niya ay umeere naman sa South America.

‘Yun nga lang, sa kabila ng tagumpay ay walang love life si Ken ngayon pero masaya naman daw siya. At least ay nakakapag-focus siya sa kanyang career.

Huling karelasyon ni Ken ay noong panahon pa ng “Destiny Rose” at hindi pa ito ulit nasusundan. Sa ngayon ay umaasa ang mga RitKen fans nila ni Rita na sana’y maging sila na nga for real at willing daw silang maghintay na dumating ang panahong iyon.