Pinakukumpiska ng Food and Drug Administration (FDA) sa mga ahente ng Regulatory Enforcement Unit ang ibinebentang lollipop sa merkado na sinasabing binalutan ng condom.
Kasabay nito, naglabas ng babala ang FDA sa publiko sa pagbili at pagkonsumo ng hindi rehistradong Dipzy Cornpop Lollipop na may mga kulay na asul at pula na pag-aari ng kompanyang MM Lucky Multisales Corporation.
Ang aksiyon ng FDA ay makaraang ipagbigay-alam ng kompanyang Baranda & Associates na ang Durex condom foil ay ginagamit na pambalot ng lollipop ng kompanyang MM Marketing na nagre-reflect sa kanilang label.
Babala ng FDA sa publiko na maaaring malagay sa panganib ang kanilang kalusugan kapag tumikim ng nasabing lollipop na may condom.
Kanila rin umanong naberipika na ang mga nabanggit na produkto ay walang certificate of product registration.
Nagbabala rin ang FDA sa mga establisimyento na huwag ipamahagi ang mga food product hangga’t hindi ito naiisyuhan ng awtorisasyon, license to operate at certificate of product registration. (Armida Rico)