Lolo 2 ulit binaril sa ulo

Patay ang isang lolo na papauwi na sa kanilang bahay nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na magkaangkas sa isang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Namatay noon din sanhi ng dalawang tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang biktimang si William San Jose, 63 at nakatira sa 236 Sykason Building Barangay 94 Zone 1 Decena Street nang nasabing lungsod.

Sa isinumiteng report ni Chief Inspector Rolando Baula, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City, dakong alas-7:25 ng gabi nang lapitan ng dalawang lalaki­ na lulan ng motorsiklo ang biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril ito sa sidewalk ng Arnaiz ­Avenue corner Taft Avenue, Decena St. Pasay City.

Nang masiguro ng mga suspek na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang mga ito.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD) nakarekober ng dalawang basyo ng bala.

Wala naman makitang motibo ang mga awtoridad sa pagpaslang sa biktima dahil ito ay matanda na at sinasabing simpleng tao lamang.