Agaw buhay ang isang matandang lalaki matapos na walang habas na paghahampasin ng dos-por-dos ng kanyang kapitbahay sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Caloocan City Police Community­ Precinct IV, alas-9:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Yakal St. corner Father Hoffkins St., Bo. San Isidro, Tala ng nasabing lungsod.

Nakikipagkwentuhan umano sa isa sa mga kapitbahay ang biktimang si Pablito Dionisio, 66-anyos ng nasabi ring lugar nang lapitan siya ng suspek na si Chris Regala, 46-anyos, may asawa, walang hanap-buhay ng nasabi ring lugar nang maglabas ng dos-por-dos at pinaghahampas ang walang kalaban-labang matanda at nawalan ng malay.

Mabilis ding naaresto ang suspek ngunit mariin nitong itinanggi ang paratang sa kabila ng maraming nakakita sa kanyang ginawa.