Tinambangan ng hindi nakilalang salarin ang isang 60-anyos na lolo habang susunduin ang apo sa paaralan nito noong Biyernes ng hapon sa Purok 4, Barangay San Juan, Licab, Nueva Ecija.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Police Col. Leon Victor Rosete, NE police director, nakilala ang biktima na si Quirino Torres Pangan Sr. residente ng naturang barangay.
Nabatid na alas-4:50 ng hapon, nagmamaneho ng kanyang electronic bicycle ang biktima upang sunduin ang apo sa Licab Central Elementary School nang
bigla umano itong dikitan ng ‘di kilalang armadong salarin at pinaputukan sa ulo dahilan para tumimbuwang si Pangan.
Naisugod naman agad ang biktima sa RHU Licab at inilipat sa Sto. Domingo, District Hospital subali’t hindi umabot ng buhay.
Sinisiyasat ngayon ng pulisya ang posibleng motibo sa pamamaslang. (Jojo De Guzman)