Hindi bababa sa 70 pamilya ang nawalan ng tirahan isang linggo bago mag-Pasko kung saan ay isang pamilya sa mga ito ang nagluluksa ngayon matapos ma-trap sa sunog ang isang matandang lalaki sa Lungsod ng Malabon kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Malabon City – Bureau of Fire Protection (BFP), ganap umanong alas-4:30 ng hapon nang mag-umpisa ang sunog sa isang bahay sa kahabaan ng Dulong Gulayan, Barangay Concepcion ng nasabing lungsod.

Agad namang nagda­tingan ang mga kagawad ng pamatay sunog ngunit hindi rin naman ­naging madali sa kanila ang maapula ang apoy.

Pasado alas-singko ng hapon nang ideklarang fire under control ang nasabing sunog at habang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang mga bumbero ay doon na nila natagpuan ang wala nang buhay at halos natus­ta ng mga labi ng biktimang si Exequiel Cantil, 63-anyos na umano ay kasalukuyang stroke.

Nang mag-umpisa umano ang apoy ay mabilis itong kumalat sa mga katabing bahay at nang nilalamon na umano ng apoy ang bahay ng matanda ay sinubukuan pa umano siyang buhatin ng kanyang anak ngunit may kalakihan umano ang panga­ngatawan ng biktima at may kabigatan dahilan upang hindi siya kayanin ng kanyang anak.

Agad namang luma­bas ng kanilang bahay ang anak ng biktima upang humingi ng saklolo sa iba pa niyang mga kapitbahay ngunit sa bilis na kumalat ng apoy ay hindi na nila ­muling napasok pa ang bahay hanggang sa tuluyan nang ma-trap sa loob ng matanda.

Sa imbestigayon ay nagmula umano sa nag-over heat na electric fan ang sunog at dahil sa gawa sa light materials ang bahay na pinagumpisahan ng apoy gayundin ang iba pang mga kabahayan ay mabilis na kuma­lat ang apoy, sa ngayon ay pansamantalang mamamalagi ang mga nasunugang pamilya sa covered court ng kanilang barangay hall.