Lolo nahulihan ng P136K shabu sa Pasig

Nasakote ng Pasig Police ang 61-anyos na lolo makaraang mahulihan ng P136,000 halaga ng shabu sa kinasang buy-bust operation sa Barangay Buting, Pasig City, Huwebes ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek na si Romeo Genita.

Inaresto ang suspek alas-10:30 Huwebes ng gabi matapos nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng station drug enforcement unit makaraang makatanggap ng tip kaugnay sa iligal na pagbebenta ng suspek.

Nakumpiska mula sa senior citizen ang siyam na sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa timbang na 20 gramo at nagkakahalaga ng P136,000 at P1,000 buy-bust money.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasig detention cell.

Samantala, isang 23-anyos na lalaki ang inaresto matapos mahulihan ng marijuana, makaraang sitahin na nasa kalsada sa Brgy. San Miguel, habang kasagsagan ng curfew, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang suspek na si Louise Arjel Vargas, 23-anyos ng nasabing barangay. Sinita umano ito sa Dr. Pilapil Street at isa pang kasama na nakatakas.

Nakuha kay Vargas ang isang sachet na naglalaman ng dried marijuana leaves na tumitimbang sa 4.65 gramo at nagkakahalaga ng P558. (Vick Aquino)