Hindi na nakatakbo pa palabas ng kanilang bahay ang 66-anyos na lolo dahilan upang malitson ito nang buhay sa mala-impiyernong sunog, habang nasa 300 na kabahayan ang naabo na tinitirahan ng may 700 katao sa Brgy. Palanan, Quezon City, kahapon ng umaga.

Nakilala ang nasawing matanda na si Elpidio Dela Cruz ng Calamba Extn., Brgy. Talayan, na halos hindi na makilala dahil sa matinding pagkasunog.

Ayon kay Inspector Rosendo Cabillan Jr., ng QC Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Maricel Saguban sa 199-Calamba Extn., Brgy. Talayan, dakong alas-nuwebe ng umaga.

Dahil gawa sa mga light materials ang mga bahay kaya’t naging mabilis ang pagkalat ng apoy. Agad na itinaas sa 5th alarm o general alarm ang sunog.

Nakadagdag din umano sa paglakas ng apoy ang sunud-sunod na pagsabog ng hinihinalang mga liquefied petroleum gas (LPG). Gayundin ang makipot na daan na hindi agad mapasok ng mga bumbero.

Ayon kay Insp. Cabillan, ganap na alas-12:42 ng tanghali nang tuluyang ideklara ang sunog na under control.