Walang awang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang lolo ng isa ring lalaking kanyang nakasagutan sa hindi pa nalalamang kadahilanan sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni SPO2 Emilio Boyoten ng Caloocan City Police-North Extension Office (NEO) alas-5:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Phase I, Greenville, Barangay 171, Bagumbong ng nasabing lungsod.
Naglalakad umano patungong palengke ang biktimang si Vicente Mataganasa, 63-anyos, tubong Leyte at naninirahan sa Block 2, Phase 1 ng nasabing lugar sa isang madilim na eskinita sa lugar nang harangin siya ng suspek na si Jimmy Velasco, 31-anyos ng Block 5 ng parehong lugar at pinagsasaksak ng maraming beses hanggang sa malagutan ng hininga.
Matapos ang insidente ay agad ding nagtatakbo patakas ang suspek habang mabilis namang humingi ng saklolo sa himpilan ng Caloocan City Police-Community Precinct (PCP) VI ang mga residente sa lugar na mabilis namang rumesponde upang magsagawa ng follow-up operation ngunit bigong masakote ang salarin.
Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente at inaalam kung ano ang posibleng motibo ng salarin.