Patay ang 70-anyos na lolo matapos pagsasaksakin at pugutan ng ulo ng katrabahong may kimkim na galit sa Brgy. Telbang, Bayambang, Pangasinan noong Miyerkoles nang gabi.

Kinilala ng Bayambang Police Station (BPS) ang biktima na si Alfredo Manliklik, ng nasabing barangay. Samantala, ang suspek na agad namang naaresto ay si Kenneth Rodriguez, ng nasabing bayan.

Sa report, ayon sa BPS, nagising umano si Rodriguez na tila balisa. Big­la na lang umano nitong ginising ang biktima at isa pa nilang katrabaho na si Marvin Aguilar, 30.

Pagdaka’y kumuha umano ang suspek ng kutsilyo at sinundan ang dalawa kaya mabilis na tumakbo sa ikalawang palapag ng tinutuluyang bahay.

Nang maabutan ng suspek ang biktima ay kanya itong pinagsasaksak.
Hindi pa nakuntento, pinugutan pa ng ulo ang biktima.

Sa report ng pulisya base na rin sa kuwento ng kaanak ni Alfredo, bago napatay ang biktima ay nabanggit nitong may katrabaho itong ‘di makasundo sa ‘di pa malamang dahilan.

Nahaharap naman sa kasong murder ang naturang suspek na nakakulong ngayon sa BPS jail. (Allan Bergonia)