Lolo sinuwag ng nagwalwal na rider

Patay na nang isugod sa ospital ang isang 63-anyos na lolo nang suwagin ito ng lasing na motorcycle rider sa national road ng Barangay Lungog, Narvacan, Ilocos Sur noong Sabado.

Kinilala ng Narvacan Police Station (NPS) ang biktima na si Romulo Doria Sagun, ng nasabing barangay.

Samantala, ang suspek naman ay si Rowel Noveloso Cadiz, 28, Narvacan ng nasabing lalawigan.

Sa report, ayon sa NPS, galing umano sa inuman ang suspek at pauwi na sakay ng isang motorsiklo.

Dahil nakainom ng alak, mabilis ang takbo ng suspek at hindi nito napansin ang naglalakad na lolo sa gilid ng kalsada na kanyang inararo.

Agad na isinugod si Sagun sa Metro Vigan Cooperative Hospital ngunit siya ay dead-on-arrival na, ayon sa mga doctor sanhi ng mga tinamong sugat sa katawan at bagok sa ulo.

Dinala naman si Cadiz sa NPS at nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide. (Allan Bergonia)