Malubhang nasugatan ang isang 70-anyos na lolo nang tamaan ito ng ligaw habang nakikipagkwentuhan at inuman sa kanyang kapatid at mga kaibigan sa gilid ng kalye sa Tondo, Manila.

Isang tama ng bala sa kanang bahagi ng leeg ang tinamo ng biktimang si Antonio Martinez, ng 3 Kamias Street, Brgy. 120, Zone 9, Tondo, Manila.

Sa report na tinanggap ni P/Supt. Redentor Ulsano, ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong alas-singko kamakalawa ng hapon habang nag-iinuman at kuwentuhan ang biktima at kapatid na si Rudy, 56, at mga kaibigan sa Laurel Street nang bigla na lamang itong duguang bumulagta.

Agad isinugod sa Mary Johnston Hospital ang biktima kung saan ito patuloy na inoobserbahan.

Inaalam na ng mga awtoridad kung saan nagmula ang balang tumama sa biktima na posibleng umanong mula sa ligaw na bala.